Wang-wang, Noynoy at Luisita

“Walang lamangan, walang padrino, at walang pagnanakaw. Walang wang-wang, walang counter-flow, walang tong. Panahon na upang tayo ay muling magkawanggawa.”

Kakatwang pansinin na matapos bitiwan ito ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino noong Miyerkules sa kanyang inaugural address, lalo pang dumami ang mga “wang-wang” sa paligid. Pag nakinig ka sa radyo, may wang-wang. Pag nanood ka ng TV, may wang-wang. Pag sumilip ka Twitter mo, may #wangwang. Pag sumakay ka sa dyip, puro wang-wang ang pinag-uusapan. Walang katapusan na wang-wang ang usapan, na para bang iyon lang ang problemang kinakaharap ng mga mamamayan.

At malamang, magiging laman pa rin ang wang-wang ng mga balita sa hinaharap. Posibleng gawan ng istorya ng midya ang bawat labas at lakad ni Aquino – kung titindigan ba niya ang kanyang posisyon sa hindi paggamit ng wang-wang o hindi- na para bang ito lamang ang sukatan ng pagiging isang mahusay na lider.

Kapansin-pansin din ang paggamit ni Aquino ng mga metaporang may kinalaman sa kalsada o sa byahe. Sa bungad pa lang, sinabi niya na “Hindi ko inakala na darating tayo sa punto ito.” Pinalamnan ito ng wang-wang, counterflow, tong at tinapos gamit ang islogang “Samahan ninyo ako sa tuwid na daan.” Sa paggamit ng mga metaporang nakabatay sa buhay-lungsod, tinakasan ni Aquino ang imagery ng mas malalang kahirapan sa kanayunan at ang kawalan ng lupa mismo sa sarili niyang bakuran. Tinakasan niya ang imahe ng Hacienda Luisita sa Tarlac, ang mga magsasakang hanggang ngayo’y pinagkakaitan pa rin ng lupa at ang kalakip na imahen ng masaker ng pitong magsasaka. Sinapul niya ang mga “naghahari-hariang de-wangwang” sa kalsada para mailihis ang diskurso palayo sa mga sakahan at hasyenda kung saan may totoong hari – mga panginoong pumapaslang.

Kahit na lumuwas ang mga magsasaka ng Luisita at nagkampo sa harap ng Malakanyang, pilit na nilulunod ng usapang wang-wang ang kanilang panawagan sa bagong administrasyong Aquino. Pakutkot lamang ang pagtalakay kung meron man. At hanggang sa ngayon ay tikom pa rin ang bibig ni Aquino tungkol dito. Dapat niyang tandaan na tapos na ang panahong kampanya at nakaluklok na siya sa poder, na hindi na niya pwedeng sabihing gawa lamang ng kanyang kalaban sa pulitika ang pagkakampo ng mga magsasaka sa tapat ng Palasyo. Hindi niya pwedeng sabihin na paninira lamang ito sa kanya.

“Kung dati ay may fertilizer scam, ngayon ay may kalinga nang tunay para sa mga magsasaka,” ani Aquino sa kanyang talumpati. Ang malinaw sa ngayon, hindi pa rin nararamdaman ng mga magsasaka sa Luisita ang “kalingang” sinasabi ni Aquino. Militarisado pa rin nga ang malawak na hasyenda ng mga Cojuangco sa Tarlac. At kung may dahasin man ang mga kritiko ng pamilya Cojuangco-Aquino, walang “wang-wang” na aasahang agarang sasaklolo.

4 thoughts on “Wang-wang, Noynoy at Luisita

  1. at matapos ang malabnaw na mga polisiyang kaniyang inilalabas, malinaw na di pa rin niya alam kung sa papaanong paraan nya babaguhin ang baluktot na sistema sa pilipinas.

    • totoo. clueless talaga ang Presidente. Mukhang tumatanggap lamang ng orders mula sa “taas.”

      Salamat sa pagbisita sa blog ko at sa reply, projectkino!🙂

  2. walang anuman. ating pagtibayin ang hangarin nating makapagmulat ng mga mata ng mga nabubulag sa pamamagitan ng atin mga katha.🙂

    natawa ako dun sa pagkuha ng orders mula sa “taas”, naisip ko lang kung sino yung taas. diyos ba ito? nakakatakot kung oo. ika nga ni House,”if you talk to god, you’re religious. if god talks to you, you’re psychotic.” haha.

    • Maaring ang mama at papa nya, hehe. Pero syempre, si Uncle Sam ang tunay niyang boss.

      Tuluy-tuloy lang sa pagsusulat ng kritikal na entries🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s