Huling sulyap kay Alex Remollino
Agosto 24. Isang araw matapos ang hostage-taking sa Qurino Grandstand. Ikalawang session ng Korte Suprema para dinggin ang argumento ng magkabilang panig sa isyu ng Hacienda Luisita. Marami ang nakatipon sa kanto ng Taft at Padre Faura. Nakita ko ang mga magsasakang nakalupagi sa aspalto habang nakikinig sa programa. Nakita ko rin ang mga maralitang taga-lungsod, manggagawa at estudyanteng sumusuporta sa laban sa mga magsasaka ng Luisita.
Nakita ko rin si Alex Remollino sa isang umpok ng magkakaibigan. Nakangiti – ngiting ngiti – at nakikipagbatian sa mga kasamang dumadaan. Maaliwalas ang kanyang mukha. Walang senyales na siya’y may karamdaman.
Hindi kami personal na magkakilala ni Alex. Pero madalas ko basahin ang kanyang mga artikulo sa Bulatlat (at nitong huli sa Philippine Online Chronicles). Hinahangaan ko rin ang kanyang mga tula. Sa tuwinang maiisip ko ang pakikibaka ng mga manggagawa ng Nestle at ang “Boycott Nestle campaign,” laging sumasagi sa isip ko ang kanyang tula na “Dugo sa isang tasang kape.”
Kaya naman nang inanunsyo ng mga tagapagpadaloy ng programa sa Padre Faura na mag-aalay ng tula si Alex, inabangan ko talaga siya sa harapan. Iyon sana ang unang pagkakataon na maririnig ko siyang tumula.
Nagulat ako dahil iba ang nagtanghal. Luminya sa harapan ang tatlong bata na kasamang lumuwas ng mga magsasaka. Lumapit ang mga kasama sa harapan nang marinig ang pag-awit nila ng “Martsa ng Pagkakaisa”. Nagtaas-kamao pa nga habang papalapit ang huling nota. Nakakamangha silang panoorin. Sa murang edad, gagap nila ang landas tungo sa paglaya.
Maya-maya pa’y sinabi ng tagapagpadaloy na tapos na ang unang bahagi ng programa at eere na ang Radyo Anakpawis. Saktong bumuhos nang malakas ang ulan. Nagtakbuhan ang mga kasama para sumilong, habang nagsiksikan kami sa tora-tora.
Hindi ko na narinig tumula si Alex. Hindi ko alam kung tumula pa siya nung pangalawang bahagi ng programa matapos tumila. Iyon na pala ang huling araw na makikita ko ang hinahangaan kong manunulat at makata.
***
Magsisilbing hamon ang buhay at pakikibaka ni Alex sa bawat manunulat, peryodista at makata – hamon na paglingkurin ang bawat tula at talata tungo sa pagpapalaya ng diwa.
Paalam at pagpupugay sa’yo, Alex Remollino!
4 Responses to “Huling sulyap kay Alex Remollino”
Trackbacks / Pingbacks
- - September 6, 2010
- - September 7, 2010






Reminds me of Ma’am Roselle’s account. She also narrated the last time she saw Alex. Na-curious tuloy ako kung ano nang nangyari sa kanya at hindi sya tumula that day? BTW, Ka Roda (Piston) passed away too. Kaninang 2pm. Hay…
Onga. ipagtatanong ko kung nakatula talaga siya sa mob na yun.
Sad naman, pati pala si Ka Roda..